Mapait na Biyernes

Hindi matinag ang aking paningin sa bintana
Ihip ng hangin ay di ko alintana
Kahit na parang yelo na ang aking katawan
Aking mga mata ay hindi ko mabibitawan

Ulap sa itaas ay nangingitim at namumuti
Tila nagtatago ang araw sa atin
Masasabi ko bang magdudulot ito ng hapdi
Takdang durugin ang damdamin natin

Yakap ang aking tuhod, lalo ko pang hinigpitan
Wari’y magdudulot ng katiting na kaginhawahan
Kaba, takot, halo-halo aking nararamdaman
Nasagap na balita, taimtim na inaabangan

Boogsh! Boogsh!
Paulit-ulit na tunog aking naririnig
Nagdadabog ang ulan dito sa daigdig
Patagal ng patagal, pasakit ng pasakit
Mga tainga ko ay hindi naaakit.

Sa labas, tanaw ko pa ang kapaligiran
Ngunit bakit ito’y naging isang laruan?
Sunod-sunuran na parang nakasakay sa duyan
Unti-unting natutuklap ang mga bubungan.

Bilugang mga mata ay nais na ikurap.
Saglit lamang kung pupwede ngunit bakit kay hirap?
Ang aking nasasaksihan ay kay sakit pagmasdan.
Bakit ba ganito aming nararanasan?

Na’san na? Na’san ba ang aking ina?
Ngayo’y nangungulila sa yakap at halik niya.
Tanong sa isipan, ba’t kailangang lumayo pa?
Hindi sana ako nakikipaglaban mag-isa.

Pera, pagkain, pag-ibig, tirahan,
Mga pangarap na gusto makamtan
Plano sa sarili at sa pamilya
Mukhang maglalaho sa isang kisap-mata

Biglang nagbalik ang aking kamalayan.
Dumampi na ang tubig sa aking paanan.
Malamig.
Nakakapaso.

Sa maluwang na tirahan ay wala nang matakbuhan.
Ihanda na ang sarili sa maaaring kahihinatnan.
Mabigkas man lang sana aking huling paalam,
Aking pagmamahal sana’y naipa-alam.

Malinaw na sa’kin ang aking kapalaran.
Tubig at hangin – dahilan ng paglisan.
May’ron bang nagawang matinding kasalanan?
Huli na ang lahat kung akin pang pagsisisihan.

Isa, dalawa, tatlo, apat, lima,
Tinangay ang isa’t dingdi’y umaalog na.
“Panginoon, salamat sa binigay Mong pagkakataon.”
Sinara ang mga mata, tumaob na ang kahon.

[For the victims of typhoon Haiyan/Yolanda.]

Advertisements

What do you think?

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s